CITY GOVERNMENT OF CALAMBA

OFFICIAL WEBSITE

BANGAYANIHAN, bayanihan sa Calamba

banga

BANGAYANIHAN,

bayanihan sa Calamba

Ika-6 ng umaga noong Sabado, Oktubre 28, 2017, 55 mga kabataan na mula sa iba’t ibang barangay ang nagtipon-tipon para sa isang mahalagang gawain. . . linisin ang Banga na simbolo ng Lungsod ng Calamba.

Sinasabing isa sa pinakamalubhang problema  ng matandang parke ang bandalismo o pagsusulat sa ibabang bahagi ng Banga. Matagal nang suliranin ng mga nagbabantay sa parke ang kalimitang pagbubura o pagpintura sa mga vandalism sa banga na ginagawa ng mga estudyante at ilang turista.

Ayon kay G. Ronaldo Mendiola, punong tagapagbantay ng parke mula pa noong 2009, kapag nakakakita siya ng mga kabataan na dumadalaw sa Banga, iniisip niya na ang mga ito ay “kalaban” dahil mag-iiwan ang mga ito ng kalat at panibagong mga sulat sa tuntungan ng banga. Pero sa pagkakataong ito, nabago ang kanyang hinala matapos niyang makita ang ginawa ng mga kabataan. “Meron pa pala kaming kakampi”, ang masayang pahayag ni Mang Ronald.

Naging trending sa social media ang isang post na nagpapakita ng mga bagong sulat sa tuntungan ng banga na katatapos pa lamang pinturahan. Makalipas ang ilang buwan ilang concerned citizen ang nag-organisa ng isang gawain upang muling linisin ang banga na tinawag nilang “BANGAYANIHAN”. Hiningi ang tulong ng mga Calambeño at marami ang tumugon, karamihan dito ay mga kabataan na kasapi ng Pag-asa Youth Association-Calamba Chapter sa pangunguna ni G. Kenneth Yuson at Kiwanis Club of Laguna-Phoenix na kinabibilangan ni G. Matt Palentinos. Dumating din ang 2 kasapi ng TCKK, sina G. Alex Erasga at Oscar Geneciran.

Sa tulong ng mga brush, scotch brite, sabon, acetone, basahan, tubig at colgate, isa-isang kinuskos ng mga kabataan ang lahat ng mga marka ng pentelpen hanggang sa matanggal ang mga sulat.

Matapos ang ilang oras na pagkukuskos at paglilinis, isang munting programa ang ginawa kung saan lahat ng kabataang naroroon ay nangako ng kanilang suporta at pangangalaga sa Banga upang makita pa ito ng mga susunod na anak ng Calamba. (Aliwalas T. Carmen)